Makabago at Makabuluhang Biyernes
Sulat ni Ryan B. Dultra
SST-III, Calamba NHS
“Isip ay pagyamanin, aklat ay basahin”, isa sa mga kasabihang pinaniniwalaang nakalilinang sa dunong ng bawat isa.
Alinsunod sa DepEd Memorandum No. 001 na ipinatupad noong Enero 12, 2024 ang “Catch-up Friday” na naglalayong mapataas ang mababang kabihasnan sa pagbabasa ng mag-aaral ayon sa malawakang pagtatasa sa mga dalubhasa ng ibang bansa.
Dito napapaloob ang mga asignaturang National Reading Program upang ang lahat ay masigurong makai-intindi sa binabasa; at ang Values, Health at Peace Education na kinakailangang bigyang halaga ayon sa RA 11476 o Good Manners and Right Conduct (GMRC) and Values Education Act.
Bahagi ng programang ito ay ang mga guro ay nagtitipon-tipon ng dalawang oras sa Biyernes ng hapon upang matalakay ang mga problemang nakikita at mga magagandang gawain na pwedeng ibahagi sa kapwa.
“Every Friday will be Catch-up Friday”. Isa ito sa mga programang tinututukan ni Bise-Presidente at Kalihim ng DepEd, Sara Duterte na MATATAG Education Agenda na lumikha ng mga kalidad na mag-aaral na kayang-kaya makipag-sabayan sa anumang industriya bitbit ang mga aral at angking kakayahan bilang isang mabuting mamamayan.
Isang malaking hamon ang nakapatong sa mga guro at mag-aaral sa programang ito, ngunit ito ang isa sa mga nakikitang mabisang paraan upang masolusyonan ang tinatawag na ‘learning gap’ ng mga mag-aaral mula ng pandemya ayon sa DepEd Order No. 13, s. 2023 o Adoption of the National Learning Recovery Program (NLRP).
Ang Sangay ng Lungsod ng Cabadbaran na pinangungunahan ni Dr. Imelda N. Sabornido ay hindi nagpatinag sa pagpapatupad ng programang “Drop Everything and Read (DEAR)” na sa pamamagitan nito, ang mga kabataan ay mas matututo at mahasa ang kasanayan sa pagbasa.
Ang Calamba National High School na pinangungunahan ni Gng. Maribeth C. Cabradilla, nagpasinaya ng opisyal na pagbukas ng Catch-up Friday sa tulong ng mga opisyal ng SPTA at ang District In-charge ng Timog Cabadbaran, G. Napoleon E. Bolambot Jr. noong Enero-11. Dito binigyang linaw ang gawain at mga pagbabagong magaganap bawat Biyernes.
Positibo ang lahat sa magandang resulta na maidulot ng programa na nangangako ng tunay na pagbabago sa edukasyon at kinabukasan.